Tag Archives: filipino

ALMUSAL

– Maru Peter Henry

Kung may pinakaayaw siguro akong almusal
Iyon ay yung nilulunok kong katotohanan tuwing umaga
Na lilipas ang buong araw, lilipas ang maghapon
Lilipas ang napakagulong buhay ko na wala ka

Sayang lang
Ang ganda kasi nung mga munting eksenang pinapangarap ko
Na kapag mag-asawa na tayo
Tahimik at dahan-dahang uunahan kitang bumangon sa umaga
Ipagluluto sana kita
Tapos gigising ka na lang sa kama na may mainit na kape ka nang nakatimpla

Pero inabot na kasi tayo ng takipsilim
Nagwakas ang mga pangarap na almusal nang magsimula ka nang maglihim
Nang umalis ka na lang dahil hindi mo rin naman kayang magkwento at umamin
Noong humingi ako ng ilang segundo ng katotohanan matapos ang ilang taon kong inakalang hinding-hindi ka magiging sinungaling

Alam ko balang araw may iba na akong papangaraping makasama
Sa mga munting eksenang naglalaro sa isip ko, gusto ko na yung mga eksena na wala ka
At balang araw hindi na rin nakakasuka ang mga mapakla at mapapait na almusal na ito

Salamat, salamat

Salamat sa hindi nangunguyang pag-ibig mo.

Advertisements

KITANG-KITA

Ni Maru Peter Henry

Kitang-kita pa rin kita
Mula sa nakakatunaw na tingin mo sa mga mata ko
Hanggang sa maliliit na ngiti na kay daming ibig sabihin

Kitang-kita ko pa ako
Yung animo’y wala sa sarili
Naliligaw sa kalawakan ng sarili kong katotohanan

Kitang-kita ko pa rin yung totoo
Yung mga kutsilyong sinaksak mo sa likod ko
At ang mga dugong hinding-hindi mo pupunasan

Ang sarap nating makita
Ang sakit nating titigan.

NAPAKATALINO MO.

– Maru Peter Henry

Napakatalino mo
Ngunit ang dami mong hindi nalalaman
Gaya nang ilang beses kong pagsisinungaling
Para mapagtakpan ka sa iyong mga kasalanan

Napakatalino mo
Hindi ko nga maarok ang iyong pang-unawa
Kapag pang-henyo na ang iyong mga pagpapaliwanag
Sa bobo kong pusong agad sayong naniniwala

Matalino ka
Pero ang dami mong hindi alam
Minahal pa rin kita
Kahit wala ka namang pakialam

Iba na ang pinatakbo mo sa iyong utak
Iba na ang sinama sa panaginip

Napakatalino mo

Pero hindi mo man lang ako naisip.

ANG PINAKAMAGANDANG PANAHON PARA SUMULAT NG TULA

– Maru Peter Henry

Ito na ang pinakamandang panahon para sumulat ng tula
Sa oras na kung saan ay madalas kausap kita
Sa ilalim ng buwan na dati nating tinatanaw
Habang unti-unting nanginginig ang ating mga panga nang dahil sa kaba at nang dahil sa ginaw
At kahit nasa harap na natin ang malawak na kalangitang nakamamangha
Ay mas namamangha pa rin ako kung paano nilikha ng Panginoong Diyos ang bawat pulgada ng iyong mukha

Ganito yung mga panahong hindi manguya ng aking utak ang makunat na katotohanang napakarami nating pagkakatulad
Ganito rin yung mga panahong gandang-ganda tayo sa ating mga pagkakaiba
Ganito kaginaw noon nang magkwentuhan tayo ng ilang libong madudugong giyerang ating pinagdaanan
Noong mahangin na panahon kung saan sa bawat pag-ihip ng salita mula sa ating mga bibig ay kay rami nating natututunan

Ganito kalamig noon nung sinakluban mo ng init ang giniginaw kong mga kamay
Noong ang mundo na tila ay isa nang malamig na bangkay ay binigyan mo ng isa pang pagkakataon upang muling mabuhay

Ito na ang pinakamagandang panahon para sumulat ng tula
Kung saan pareho ang ginaw at pareho ang itsura ng kalangitang nakamamangha
Sa unang linya ay gagamitin ko ang iyong mga letra

“Gustung-gusto din kita”

Ito kasi yung sinabi mo sa pinakatamang malamig na panahon
Sa bandang dulo ay ikukuwento ko na lang siguro

Kung gaano ka na rin kalamig ngayon.

TANDANG SORA.

Nawala na ang nakakatraffic-ng-utak na pagtitig mo
Nabarahan na ang estero ng nakakalulang pag-ibig mo
Bumitiw ka na sa mala-aspalto kong mga kamay
At sa poste na hindi marunong magpatahan na lang ako nakakadantay.

Sa paguwi ay hindi ka na sumasandal sa balikat ko
At hindi ko na natititigan ang iyong mukha sa pagtulog mo
Pang-isang tao na lang din ang ibinabayad ko sa jeep
At hindi na rin ako ang bumabyahe sa mataong palengke ng iyong isip.

Totoo pala ang lahat ng iyong pagbusina

Maikli lang pala ang byahe natin sa Tandang Sora

Kay tagal mo na akong sinasagasaan

Pero ngayon lang ako nabangga.

– Maru Peter Henry

PANSAMANTANGA.

Di mo pa man nasasabi
Damang-dama ko na
Wala pa man sa iyong labi
Pero isinasampal mo na
Ang matatalas na salita ng mga hindi mo pagkibo
Sa tuwing tinatanong ko sa’yo kung kailan kayo hihinto

Pagod nang maglakbay ang aking mga luha
Mula sa aking mga mata hanggang sa mag-isa kong tinatapakang lupa
Pagod nang humakbang ang aking mga paa
Papalayo sa sarili ko
Papalapit sa mga ipinipilit mo

Lumaya ka sa akin
Para ikulong ako sa’yo
Sige lang
Kakayanin
Ngayon lamang naman ito

Pansamantanga.

NAGMAHAL. NASAKTAN. NAGLAKBAY.

Nagmahal

Nasaktan

Naglakbay

Naglakbay sa kung saan malayo ang lumbay

Kung saan hindi rin naman natatakasan ang pesteng katotohanan

Na naroon ka sa lahat ng aking nararanasan

Na multo ng tayo ang nakikita saan man ako lumingon

Sa mga bundok, sa mga isla at sa mga dagat na umaalon

Tinig mo ang dinig sa mga dahong pumapagaspas

Ngiti mo ang tanaw sa mga ilog na lumalagaslas

Nagmahal

Nasaktan

Naglakbay

At alam ko, paglagpas ko sa mga lugar na ito

Kailangan ko pa ring umuwi

At ikaw din ang tahanan ko.