Tag Archives: pilipinas

DROGA

Ni Maru Peter Henry

Unti-unti nang tinatagpian ang mga sugat sa sarili
Itinigil na ang mga bisyo kung saan ako nawili
Hindi na lumalagok ng mapapait na katapusan
Hindi na humihithit ng mga poot ng nakaraan

Maliliit na paghakbang para sa nangangatog na puso
Pinupulot ang maisasalba sa mundong biglang gumuho
Pero hindi pa man tapos ay may biglang nagsimula
Tila nahipan lahat ng galos mula sa lahat ng pagkadapa

Nagsimula sa unang dampi ng pagsulyap ko sa mukha mong maganda
Hanggang sa para akong namalikmata
Sinigurado ko kung totoo ka
Tumingin ako nang pangalawa
At dahil maluho ang aking mga mata
Sumipat ako nang pangatlo
Pang-apat, panlima
Hanggang sa mahalata mo na
Hanggang sa panganim, pampito
Ayun, tumingin ka rin sa mata ko
Dito na, mahal ko
Ang simula ng biglang pagkalulong ko sa iyo.

Hindi ko na ngayon mabilang kung ilang beses ka nang tinitigan
At kung ilang beses nang nagpalutang-lutang sa munti nating kalawakan
Kung saan sinusungkit tayo ng buwan, mga tala at kalangitan
Isa kang drogang sinubukan na hindi ko na matigil-tigilan

Nahahanap ko ang sarili pag naliligaw sa iyong kaluluwa
Nabubuo ang mga kulang kapag tinutunaw ng iyong mata
At sa daming ulit na pananakit na ginawa sa akin ng mundo
Sa isang tao na lang ako ngayon hindi takot magtiwala – sa iyo

Bisyo kita
At hinding-hindi ako magbabagong buhay.

Advertisements

MAS DUWAG AKO

Ni Maru Peter Henry

Duwag ka
Dahil hindi mo kayang sabihin sa akin nang harapan
Pero mas duwag ako
Sa pagtikom ng aking bibig dahil takot ako na bigla mong talikuran

Duwag ka
Dahil dinadaan mo pa sa bahagyang pagiwas ng iyong mga kamay kapag inilalapit ko na ang mga palad ko sayo
Pero mas duwag talaga ako
Dahil hindi kita kayang bitawan at naniniwala pa rin akong mapalad ako sayo

Hindi ako nangangatog sa dilim
Pero takot ako na multuhin ng ating pagtatakipsilim
Kahindik-hindik ang ginagawa mong paglilihim

Nakakatakot ka

Pero mas takot ako na ikaw yung magmukhang nagkamali sa ating dalawa.

DAGSIN

Ni Maru Peter Henry

Lasug-lasog na at sugatan ang mga pakpak
Pinilay ng maraming pakikipaglaban at pagbagsak
Hindi kayang gapiin ang kalawakan sa pagitan nating dalawa
Wala ngang kayang liparin ano pa’t ang tayog ng iyong halaga

Pumapailanlang ang damdaming hindi ka kayang maabot
Isang mortal na ulila sa lahat ng tamang mga sagot
Para mapunan ang mga patlang na naglalayo sa ating mabubuting mga kalooban at matatalas na mga sungay
Nakakatakot ang bangkay na puso kapag huminga na ulit ito ng buhay

Sa paghilom ng mga pakpak
Sa dagsin na ng iyong ngiti ako babagsak
Pupunan ang mga patlang
Gagapiin ang kalawakan
Aabutin kita
Hinding-hindi kita bibitawan.

MUNDO

– Maru Peter Henry

Diyan sa mundo mo
Na wala akong kasing sama
Binubuo ng mga bangin ng kasinungalingan
At mga ilog ng masama mong paniniwala

Ako ang ahas na tumukso kay Eba
Ang pasimuno ng kasalanan
Bunga ng puno ng iyong bulok na imahinasyon
At panghuhusga mo na walang pakundangan

Pero mahal kita
At kahit gaano man kasama ang tingin mo sa akin
Mahal na mahal kita

At kahit iwaksi mo ako kung paano mong iwinawaksi si Satanas
Pasensya na, pero ganoon kita iibigin
Iibigin kita hanggang wakas

Dahil sa mundo ko
Wala kang kasing sama

Pero kaya kitang patawarin.

UNANG ARAW NG IKAAPAT NA BUWAN

– Maru Peter Henry

April 1
Unang araw ng ikaapat na buwan
Sabi mo, meron tayong mahalagang pag-uusapan
Kaya agad-agad nakipagkita ako sa’yo sa paborito nating tagpuan
Nasa kaliwa kita at yung maraming kaba ko nasa may bandang kanan

Bumili ako ng paborito nating pagkain
Hindi ko agad kinain yung balat ng manok baka kasi gusto mo pa ring kunin
Pero itinabi mo lang lahat ng binili ko tapos nagsimula ka nang umamin
Ang nalasahan ko na lang bigla ay yung mapait na dulo natin

Sabi mo magbabago na lahat simula sa araw na iyon

“Huwag na tayong maglokohan”

Naaalala ko pa rin yung tunog mo hanggang ngayon

At madalas akong magkamali
At tanggap ko nang nagkamali rin ako sa iyo
Pero hindi ko pala dapat hinintay na sabihin mong,
“Happy April Fools Day”

Gusto ko nang patawarin ang sarili ko.

MARUPOK

– Maru Peter Henry

Marupok ako
Sa iyong mukha
Sa iyong pananalita
At sa amoy ng anit mo kahit maghapon ka nang nasa arawan

Marupok ako
Madaling madarang
Sa labis na ganda mo
At sa lahat ng iyong kakulangan
Kung paanong lumalapat ang iyong buhok
Sa hugis ng iyong balikat
At kung paanong lumilitaw ang batok mo kapag nagpupusod ka na

Marupok ako
Kapag nakikiusap ka nang kumain dahil gutom ka na
Kapag napapangiti ka kahit sobrang pagod ka na
Kapag natutulog ka na sa balikat ko

Marupok ako
Madaling masaktan
Ay kabisado mo na kung anu-ano ang mga babasag at dudurog sa akin

Pero marupok ka rin
Madali kang nahulog
Pinagpalit mo ang mga hinuhulma nating bukas
Sa isang simpleng pambibilog

Binasag mo na
Sinipa-sipa mo pa yung bubog

Ang tibay ng mukha mo.

TAMANG-TAMA

– Maru Peter Henry

Tamang-tama sa pakiramdam nung nagtama ang ating paningin
Ilang segundong talastasan ng marurupok na puso natin
Nalulong sa pagkabighani, nagumon sa pagkamangha
ilang segundong nakatitig hanggang abutan na ng hiya.

Tamang-tama sa pakiramdam
Sikmura tila’y kumakalam
Libu-libong paru-paro
Nagdiriwang sa loob ng aking tiyan
Tamang-tama yung panahon
Matagal nang lumisan ang bagyo
Mukhang wala nang hahadlang
Pag naglakbay tungo sayo.

Pero isa kang pakiramdam na hindi ko dapat matanto
Lahat ng mga hindi dapat ay sa pangalan mo lumulundo
Makiayon man ang pagkakataon, makiayon man ang mundo
Hindi maaaring humakbang kung saan man ang panig mo.

Tamang-tama lang sa pakiramdam

Pero maling-mali.