Tag Archives: spoken word poem

NAGMAHAL. NASAKTAN. NAGLAKBAY.

Nagmahal

Nasaktan

Naglakbay

Naglakbay sa kung saan malayo ang lumbay

Kung saan hindi rin naman natatakasan ang pesteng katotohanan

Na naroon ka sa lahat ng aking nararanasan

Na multo ng tayo ang nakikita saan man ako lumingon

Sa mga bundok, sa mga isla at sa mga dagat na umaalon

Tinig mo ang dinig sa mga dahong pumapagaspas

Ngiti mo ang tanaw sa mga ilog na lumalagaslas

Nagmahal

Nasaktan

Naglakbay

At alam ko, paglagpas ko sa mga lugar na ito

Kailangan ko pa ring umuwi

At ikaw din ang tahanan ko.

CHAMBA.

Kay daming posibilidad
Ng mga daang pwede nating nahakbangan
Pwedeng sa ibang paaralan ka napunta
Pwede ring hindi na ako nagtapos
Pwedeng magkaiba ang mga kurso natin
Pwede ring magkaiba ang sinasampalatayanan nating Diyos
Pwede namang hindi na nagkatinginan ang mata nating dalawa
Pwede ring naduwag na lang ako at nawala noong gustung-gusto na kita.

Kaso hindi

Sa kani-kaniyang paghakbang natin
Nagtagpo tayong dalawa.

At sa unang pagsasalit-salit pa lang ng ating mga daliri
Sa unang pagpapalitan pa lang ng pawis ng ating mga palad
Alam ko na agad kung hanggang saan kita sasamahan
At kahit saan ka humakbang, ang kamay mo ay hahawakan.

Kay daming posibilidad.

Pero na-chambahan pa rin kita.

Sobrang malas ko na lang talaga siguro

Kung sa dulo ay bibitiw ka pa.

PANAKIP-BUTAS.

Sabi ko haharapin kita kapag buo ka na
Pero heto ako ngayon hawak ko pa ang mga piraso mo – tinatahi kita

Sabi ko mahuhulog lang sa’yo kapag ganap na ikaw ka na
Pero heto ako ngayon pinupulot ang mga bubog mo gamit ang mga salitang “nandito lang ako” at “tahan na”

Kapag pag-iisa na lang ang iyong hinihiyaw saka sana ako lalapit
Kaso nandito ako sa harap mo binibingi ang sarili sa lahat ng mga tinago mong reklamo at galit

Dadalhin sana kita sa buwan kapag aking-akin ka na
Kaso nasa alapaap na ako, lunod na lunod ka pa sa kaniya

Tinakpan ko na ang lahat ng butas ng pagkatao mong kabisadung-kabisado ko na
Napunasan ko na ang mukha mong ginasgas na ng mga sampal at pagluha

At kapag buo ka na

Gaya nang dati

Makakalaya ka na.

LAHAT.

Ikaw yung kumot
Ikaw yung kama
Ikaw yung araw sa umaga

Ikaw yung kape
Ikaw yung tasa
Ang tinidor ko at kutsara

Ikaw yung lapis
At yung papel
Ikaw ang baybay ng mga letra

Ikaw yung bubong
At yung dingding
Ang daming ikaw kahit wala ka

At lahat ng nasa paligid mo…

Ay hindi kailanman naging ako.

KUNG MAGHAHANAP PA ANG IYONG PUSO.

Kung maghahanap pa ang iyong puso
Bigyan mo siya ng makapal na salamin
Dahil baka wala na siyang ibang makita
Baka wala na siyang iba pang mapansin

Kung gusto pang masurpresa ng iyong puso
Sa kung ano ang maibibigay ko pa
Wala na siguro. Ito na lang kasi ako
Ako yung taong madali mo lang maikumpara

Kung maghahanap pa ang iyong puso
Ng mas tuyong palad
Ng mas mabangong hininga
Ng mas matinong kausap
Ng mas magaling magpatawa
Sana kaya ko na lang kausapin ang iyong puso
Para masabi kong, “Patawad, pero mabibigo kita.”

Isang Open Letter para kay Tadhana

Tadhana, kumusta? Isa akong masugid mong tagahanga. As in sobrang fan mo ako. Lagi kong sinusubaybayan ang mga istorya tungkol sa’yo. Lalo na kapag kinukwento ka na ng ibang tao. Sobrang saya nila pakinggan. Gustung-gusto ko rin yung mga pelikulang ikaw ang bida. Yung mga tipong Sleepless in Seattle, Serendipity, You’ve Got Mail, mga ganun. Ang galing mo dun. Sobrang galing mo dun.

Hindi ko alam kung kilala mo ako. Pero para lang matandaan mo, ako yung ilang ulit mo nang pinaglaruan. Oo, “pinaglaruan“ ang gagamitin kong termino at hindi “napaglaruan” kasi feeling ko sinasadya mo na. Kasi nung natuto akong umibig dun na din ako natutong magmura. Kasi sa tuwing ibubuhos ko ang puso ko sa isang tao, bigla-bigla na lang palilikuin mo siya. Palilikuin mo sa daang hindi patungo sakin. Doon sa halik at yakap ng iba.

Pero hindi ako sumuko. Patuloy pa rin akong nagmahal. Yung iba akala ko yun na, pero pinaglaruan mo pa rin ako kahit alam mo naman kung gaano na kami katagal. Sorry ah, pero kailangan mong malaman. Ang sama-sama mo. Wala kang puso. Wala kang awa.

Ginagawa ko ang sulat na ito para malaman mo na ang karamihan sa aming mga pinaglalaruan mo ay mababait naman. Gusto ko ring malaman mo na sawang-sawa na ang mga pader namin sa bulusok ng aming mga kamao dahil wala kaming ibang mapagdiskitahan. Nauumay na ang mga unan namin sa pagsalo sa aming mga luha kapag hindi kami napatatahan. Sana malaman mo rin kung paanong hindi umiikot ang mundo namin kapag napapatagal ang paglalaro mo ng taguan.

Pero alam mo, salamat na rin. Kasi sa mga paglalaro mo, nakikilala ko kung sino ang mga tunay na dapat kong mahalin. May mga taong sandali ka lang iibigin, kapag kaibig-ibig ka pa. Kapag hindi ka mataba. O kapag mataba ang iyong bulsa. Kapag may kinabukasan siya sa’yo. Kapag napapatawa mo siya. Kapag natutupad mo ang kaniyang mga kondisyon. Kapag mapagyayabang ka niya. May mga tao namang hanggang sa dulo nandiyan pa rin. Na kahit anong panget mo na. Na kahit gaano ka pa kawasak. Na kahit gaano pa kasabog ang sarili mo na hindi mo na alam kung paano ka pa mabubuo… Nandiyan sila. Nandiyan sila hindi lang para sabihin sa’yo na “Ayos lang ‘yan.” Nandiyan sila para hatian ka sa sakit mo. Para iluha din ang mga luha mo. Nandiyan sila para samahan ka sa dilim at tabihan ka habang nakabaluktot sa sulok ng iyong kuwarto. Nandiyan sila para tulungan kang isuksok ang karayom sa iyong balat at tahiing magkakasama ang mga pira-piraso mo. Nandiyan sila.

Tadhana. Tagahanga mo ako. Dahil sa’yo, nalaman kong ang tanga-tanga ko. Nalaman kong hindi sapat ang pangarap na bahay. Na hindi sapat ang planong bilang ng mga anak. Nalaman kong hindi sapat kahit ibigay mo na ang lahat-lahat. Nalaman kong hindi sapat ang pag-ibig. Kailangang pumayag ka muna.

Tadhana, salamat sa mga paglalaro. Marami akong natutunan. Pero nakakarami ka na rin. Baka naman pwedeng makiusap. Pwede ba, ngayon, magseryoso ka na sakin?

MAKAKALIMUTIN.

Sa dami ng nangyari
Sa dami ng hindi inaasahan
Ang pagdaloy ng iyong tinig
Sa mga balahibo ko sa braso
Ang hinding-hindi ko malilimutan
Ang paglalakad ng mga katinig sa aking balikat
Ang paggapang ng mga patinig sa aking leeg
At ang pagkandirit ng iyong tinig sa aking tainga
Ang pagpatid mo sa aking mga litid
Nang sinabi mo nang may hiya,
“Gustung-gusto din kita”
Makakalimutin ako
Pero hindi ko malilimutan yun.

Hindi ko malilimutan kahit palyado na ang utak
Kung paano mo ko tinitigan
Kung paano mo ko kinausap
Hindi ko malilimutan ang paglalapat ng ating mga palad
Ang pagsasalit-salit ng ating mga daliri
Mga nangyaring hindi na natin nawari
Ang paghigpit ng hawak habang tumatagal
Hindi ko malilimutan yung bago nating pagmamahal.

Hirap akong makatanda ng mga pangyayari
Kaya nga hindi ko kailanman inasahan
Na yung mga pinakalumang alaala ko sa’yo
Hinding-hindi ko pa rin nalilimutan.