Tag Archives: spoken word

TANDANG SORA.

Nawala na ang nakakatraffic-ng-utak na pagtitig mo
Nabarahan na ang estero ng nakakalulang pag-ibig mo
Bumitiw ka na sa mala-aspalto kong mga kamay
At sa poste na hindi marunong magpatahan na lang ako nakakadantay.

Sa paguwi ay hindi ka na sumasandal sa balikat ko
At hindi ko na natititigan ang iyong mukha sa pagtulog mo
Pang-isang tao na lang din ang ibinabayad ko sa jeep
At hindi na rin ako ang bumabyahe sa mataong palengke ng iyong isip.

Totoo pala ang lahat ng iyong pagbusina

Maikli lang pala ang byahe natin sa Tandang Sora

Kay tagal mo na akong sinasagasaan

Pero ngayon lang ako nabangga.

– Maru Peter Henry

PANSAMANTANGA.

Di mo pa man nasasabi
Damang-dama ko na
Wala pa man sa iyong labi
Pero isinasampal mo na
Ang matatalas na salita ng mga hindi mo pagkibo
Sa tuwing tinatanong ko sa’yo kung kailan kayo hihinto

Pagod nang maglakbay ang aking mga luha
Mula sa aking mga mata hanggang sa mag-isa kong tinatapakang lupa
Pagod nang humakbang ang aking mga paa
Papalayo sa sarili ko
Papalapit sa mga ipinipilit mo

Lumaya ka sa akin
Para ikulong ako sa’yo
Sige lang
Kakayanin
Ngayon lamang naman ito

Pansamantanga.

CHAMBA.

Kay daming posibilidad
Ng mga daang pwede nating nahakbangan
Pwedeng sa ibang paaralan ka napunta
Pwede ring hindi na ako nagtapos
Pwedeng magkaiba ang mga kurso natin
Pwede ring magkaiba ang sinasampalatayanan nating Diyos
Pwede namang hindi na nagkatinginan ang mata nating dalawa
Pwede ring naduwag na lang ako at nawala noong gustung-gusto na kita.

Kaso hindi

Sa kani-kaniyang paghakbang natin
Nagtagpo tayong dalawa.

At sa unang pagsasalit-salit pa lang ng ating mga daliri
Sa unang pagpapalitan pa lang ng pawis ng ating mga palad
Alam ko na agad kung hanggang saan kita sasamahan
At kahit saan ka humakbang, ang kamay mo ay hahawakan.

Kay daming posibilidad.

Pero na-chambahan pa rin kita.

Sobrang malas ko na lang talaga siguro

Kung sa dulo ay bibitiw ka pa.

PANAKIP-BUTAS.

Sabi ko haharapin kita kapag buo ka na
Pero heto ako ngayon hawak ko pa ang mga piraso mo – tinatahi kita

Sabi ko mahuhulog lang sa’yo kapag ganap na ikaw ka na
Pero heto ako ngayon pinupulot ang mga bubog mo gamit ang mga salitang “nandito lang ako” at “tahan na”

Kapag pag-iisa na lang ang iyong hinihiyaw saka sana ako lalapit
Kaso nandito ako sa harap mo binibingi ang sarili sa lahat ng mga tinago mong reklamo at galit

Dadalhin sana kita sa buwan kapag aking-akin ka na
Kaso nasa alapaap na ako, lunod na lunod ka pa sa kaniya

Tinakpan ko na ang lahat ng butas ng pagkatao mong kabisadung-kabisado ko na
Napunasan ko na ang mukha mong ginasgas na ng mga sampal at pagluha

At kapag buo ka na

Gaya nang dati

Makakalaya ka na.

LAHAT.

Ikaw yung kumot
Ikaw yung kama
Ikaw yung araw sa umaga

Ikaw yung kape
Ikaw yung tasa
Ang tinidor ko at kutsara

Ikaw yung lapis
At yung papel
Ikaw ang baybay ng mga letra

Ikaw yung bubong
At yung dingding
Ang daming ikaw kahit wala ka

At lahat ng nasa paligid mo…

Ay hindi kailanman naging ako.

KUNG MAGHAHANAP PA ANG IYONG PUSO.

Kung maghahanap pa ang iyong puso
Bigyan mo siya ng makapal na salamin
Dahil baka wala na siyang ibang makita
Baka wala na siyang iba pang mapansin

Kung gusto pang masurpresa ng iyong puso
Sa kung ano ang maibibigay ko pa
Wala na siguro. Ito na lang kasi ako
Ako yung taong madali mo lang maikumpara

Kung maghahanap pa ang iyong puso
Ng mas tuyong palad
Ng mas mabangong hininga
Ng mas matinong kausap
Ng mas magaling magpatawa
Sana kaya ko na lang kausapin ang iyong puso
Para masabi kong, “Patawad, pero mabibigo kita.”