Tag Archives: tula

TANDANG SORA.

Nawala na ang nakakatraffic-ng-utak na pagtitig mo
Nabarahan na ang estero ng nakakalulang pag-ibig mo
Bumitiw ka na sa mala-aspalto kong mga kamay
At sa poste na hindi marunong magpatahan na lang ako nakakadantay.

Sa paguwi ay hindi ka na sumasandal sa balikat ko
At hindi ko na natititigan ang iyong mukha sa pagtulog mo
Pang-isang tao na lang din ang ibinabayad ko sa jeep
At hindi na rin ako ang bumabyahe sa mataong palengke ng iyong isip.

Totoo pala ang lahat ng iyong pagbusina

Maikli lang pala ang byahe natin sa Tandang Sora

Kay tagal mo na akong sinasagasaan

Pero ngayon lang ako nabangga.

– Maru Peter Henry

PANSAMANTANGA.

Di mo pa man nasasabi
Damang-dama ko na
Wala pa man sa iyong labi
Pero isinasampal mo na
Ang matatalas na salita ng mga hindi mo pagkibo
Sa tuwing tinatanong ko sa’yo kung kailan kayo hihinto

Pagod nang maglakbay ang aking mga luha
Mula sa aking mga mata hanggang sa mag-isa kong tinatapakang lupa
Pagod nang humakbang ang aking mga paa
Papalayo sa sarili ko
Papalapit sa mga ipinipilit mo

Lumaya ka sa akin
Para ikulong ako sa’yo
Sige lang
Kakayanin
Ngayon lamang naman ito

Pansamantanga.

NAGMAHAL. NASAKTAN. NAGLAKBAY.

Nagmahal

Nasaktan

Naglakbay

Naglakbay sa kung saan malayo ang lumbay

Kung saan hindi rin naman natatakasan ang pesteng katotohanan

Na naroon ka sa lahat ng aking nararanasan

Na multo ng tayo ang nakikita saan man ako lumingon

Sa mga bundok, sa mga isla at sa mga dagat na umaalon

Tinig mo ang dinig sa mga dahong pumapagaspas

Ngiti mo ang tanaw sa mga ilog na lumalagaslas

Nagmahal

Nasaktan

Naglakbay

At alam ko, paglagpas ko sa mga lugar na ito

Kailangan ko pa ring umuwi

At ikaw din ang tahanan ko.

CHAMBA.

Kay daming posibilidad
Ng mga daang pwede nating nahakbangan
Pwedeng sa ibang paaralan ka napunta
Pwede ring hindi na ako nagtapos
Pwedeng magkaiba ang mga kurso natin
Pwede ring magkaiba ang sinasampalatayanan nating Diyos
Pwede namang hindi na nagkatinginan ang mata nating dalawa
Pwede ring naduwag na lang ako at nawala noong gustung-gusto na kita.

Kaso hindi

Sa kani-kaniyang paghakbang natin
Nagtagpo tayong dalawa.

At sa unang pagsasalit-salit pa lang ng ating mga daliri
Sa unang pagpapalitan pa lang ng pawis ng ating mga palad
Alam ko na agad kung hanggang saan kita sasamahan
At kahit saan ka humakbang, ang kamay mo ay hahawakan.

Kay daming posibilidad.

Pero na-chambahan pa rin kita.

Sobrang malas ko na lang talaga siguro

Kung sa dulo ay bibitiw ka pa.

PANAKIP-BUTAS.

Sabi ko haharapin kita kapag buo ka na
Pero heto ako ngayon hawak ko pa ang mga piraso mo – tinatahi kita

Sabi ko mahuhulog lang sa’yo kapag ganap na ikaw ka na
Pero heto ako ngayon pinupulot ang mga bubog mo gamit ang mga salitang “nandito lang ako” at “tahan na”

Kapag pag-iisa na lang ang iyong hinihiyaw saka sana ako lalapit
Kaso nandito ako sa harap mo binibingi ang sarili sa lahat ng mga tinago mong reklamo at galit

Dadalhin sana kita sa buwan kapag aking-akin ka na
Kaso nasa alapaap na ako, lunod na lunod ka pa sa kaniya

Tinakpan ko na ang lahat ng butas ng pagkatao mong kabisadung-kabisado ko na
Napunasan ko na ang mukha mong ginasgas na ng mga sampal at pagluha

At kapag buo ka na

Gaya nang dati

Makakalaya ka na.

PANGGULO.

“Ganito kami sa Makati.”
‘Yan ang madalas mong sinasabi
Pero tayo na kasi ngayon. Wala nang kayo.
Sana pala hindi mo na lang ninakaw ang bilyun-bilyong piraso ko.

Ilang beses ko pa kayang dapat ipagpipilitan
Ang sarili ko diyan sa espesyal na sulok ng puso mo
Diyan kung saan ang pakiramdam ko ay isa akong dayuhan
Ipagpapatuloy ko na lang siguro ang nasimulang kasinungalingan mo

Sabi mo paparating na ang pagbabago
Ngunit paghiwa sa hindi pa gumagaling na sugat – yun lang ang napala ko
Gusto ko na lang magmura nang malutong na “P***** **a!”
Kasi yung mga bahagi ko na adik na adik na sa’yo, pinagpapatay mo na.

Kamay ko na ang pinakalapat sa’yong palad
Paa ko lang ang makasasabay sa iyong paglakad
Ako yung nagmamahal sa’yo. Ako yung may kakayanan
Pero dito mo pa rin ako nilagay. Dito sa may bandang hulihan.

Kung magpapaliwanag ka
Makikinig ako malamang
Pero ‘di rin naman totoo ang sasabihin mo
So shut up ka na lang.