PADER

Ni Maru Peter Henry

Nagtayo ng matayog na pader gamit ang mga bato ng aking hilakbot
Sa gitna ng sarili kong mundo na binabalot sa yakap ng aking kwartong malungkot
Wala kang maririnig kundi mga palahaw ng galit na mga tula
At masidhing paglulunggati na mabura na lamang lahat ng simula

Sinunog lahat ng tulay na patungo sa luray-luray ko nang tiwala
Kinublihan ko ang sarili mula sa pag-ibig na hindi na ako naniniwala
Nilagyan ng mga pating ang malalim na dagat ng luha kong mapait
Isinisigaw ng aking pananahimik, “Huwag na huwag kang lalangoy palapit.”

Pero dumating ka

Salamat sa Panginoong Diyos, dumating ka

Ikaw na nagsaboy ng sinag sa mundo kong madilim
Gumuho ang matayog kong pader
Sa mga tinginan nating palihim
May bahid ng langit ang kaba
Sa mga ngitian nating patago
At kung pinaglalaruan lang ako noon ni tadhana
Sigurado akong siya yung labis na nabigo

Dahil yung mga dating paghikbi ko magdamag
Lahat nang iyon ngayo’y pag-awit
Naging pagngiti ko na lamang na akala mo walang dahilan
Yung dating pag-iisa kong puno ng galit

At kung may pader man akong nais itayo ngayon
Yun ay ang pader ng mga pangarap na ating bubuuin
Sasabitan natin ng mga larawan mula sa ating pagsisimula
Hanggang ang buhay nati’y umabot sa pagtatakipsilim

Sa panyo ng iyong pagyakap biglang natuyo ang dagat ng luha

Nagduda ako kay pag-ibig

Pero ngayon

Sa kaniya na lamang naniniwala.

KAMING MGA SINGLE

Ni Maru Peter Henry

Kaming mga single
Mga walang kasintahan
Hindi naman kami mga panget
Mabubuti rin naman ang kalooban
Nakikipaglaro pa lang kasi sa aming mga eksatong katapat
Tagu-taguan – medyo magaling lang talaga magtago ang lahat

Kami yung mga mag-isang nanonood ng sine
Habang kumakain ng popcorn at kinakausap ang sarili
Mag-isang naglalakad
Mag-isang umuuwi
Mag-isang nangangarap
Mag-isa ring humihikbi

Kami yung mga 3rd, 5th, 7th wheel
Na naiinggit sa inyo pero hindi niyo ramdam
Kayo kasi yung mga sobrang tamis
Pero kami yung kinakagat ng libu-libong mga langgam

May iba’t-ibang klase ng single
May single since birth
May kaka-single lang
Yung nagmahal nang sobra-sobra
Sa bandang huli – iniwan lang

Meron din namang taken
Pero mag-isa ang pakiramdam
Yung minamahal daw sila
Pero hindi naman pinararamdam

Meron namang single
Na may umiibig na nang lubos
Pero hindi niya mahanap-hanap sa sarili niya
Na umibig pabalik sa taong iyon nang taos

May piniling makipaghiwalay
Gawa ng mga pasa sa kaniyang braso
Hinimok ng di mabilang na mga galos
At mga pangaapak sa kaniyang pagkatao

Pero kung may mga pinakawalang-awa na tao sa mundo
Yun ay ang mga kung mamuhay ay single pero may kasintahan
Yung mga walang pakialam kung makakasakit na siya ng damdamin
Basta masunod lang ang bulok na puso niyang walang kasiyahan

Mapapa-‘hayst’ ka na lang talaga…

Hayst.

Pero hindi lahat ng single ay biktima, ok?
Yung iba sa amin single kasi maitim talaga ang budhi
Yung masarap ipabugbog sa galit na taumbayan
Tapos pagulungan ng tatlong dump truck yung binti

Pasensya na kayong mga may kasintahan
Minsan kasi nalalait namin na ‘panget’ yung mga kapareha niyo
At kapag medyo masama pa ang gising namin
May sumpa pang, ‘Maghihiwalay din kayo’

Pero dala lang siguro iyon ng kaunting inggit
Naiinggit kami kasi tapos na ang inyong paghahanap
Natagpuan niyo na ang inyong kakampi
Kakampi sa ano man ang inyong makaharap

Pero ayos lang din naman
Kahit papaano, mayroon din naman kaming maipagmamalaki
Napaglaanan kasi talaga namin ng oras
Na makita ang halaga ng aming mga sarili

Mas nakikita rin namin ngayon
Ang sa ami’y mga tunay na nagmamahal
Kayong mga kaibigan, mga kaanak
Pag-ibig niyo ang tunay na nagtatagal

At sa mga itinadhana para sa aming mga single

Sa inyong aming mga eksaktong katapat

Pagkatapos ng mahaba nating tagu-taguan

Ibibigay namin sa inyo ang lahat-lahat.

Lab u.

PAGTANGGAP

– Maru Peter Henry

Hi!

Pagtiyagaan mo sanang basahin ito
Dahil pagkatapos ng hindi ko na mabilang na mga buwan
Na ang sarili ko, hanggang ngayon, ay hindi ko matagpuan
Ay ngayon na lang ako ulit susulat sa iyo
Ngayon na lang ako susulat sa iyo nang walang halong galit

Sinusulatan kita na walang kagustuhang magpaawa
Pero gusto ko lang sana na malaman mo
Na hanggang ngayon, may mga bubog pa rin ako na hindi mapulot
May mga sulat ka pa rin para sa akin na hindi ko malukut-lukot
Minsan nga tinatanong ko pa rin kung bakit ba hindi tayo ang itinulot
At hanggang ngayon, naaamoy ko pa rin ang buhok mo sa kahit anomang kumot

Pero ayos lang siguro
Alam kong lilipas din ito
Medyo matagal lang talaga
At halos gabi-gabi sinusulatan pa rin kita

Pero mukhang ang sulat lang na ito
Ang may lakas ng loob ako na ipadala
At hindi ba kakaiba
Na hanggang ngayon ay sinasabihan pa rin kita
Ng laman ng pinakamalalim na bahagi ng puso ko?

Nababaliw na yata ako.

Sana maging masaya ka
At sana mapuno niya ang iyong puso
Huwag mo sanang titigan ang mga mali niya
At matuto ka rin sana na mapanuto

At baka sobra akong naging bulag
At hindi ko nakita na may kasalanan din ako
Anu’t-ano pa man,
Sana… Sana patawarin mo ako.

Salamat dahil dumaan ka sa buhay ko
Marami pa rin akong natututunan
At hanggang ngayon pinapalakas pa rin ako
Ng ginawa mong walang kasing-biglang paglisan

Ilang beses ko nang sinabi sa iyo,
“Pinapatawad na kita.”
Pero ngayon lang talaga ito naging totoo
Dahil pinapatawad ko na rin nang lubos
Ang nawawalang sarili ko.

Ingat ka palagi.

Salamat sa lahat.

Bye.

INSOMNIA

Ni Maru Peter Henry

Sa saliw ng awitan ng mga kuliglig at palaka
Sumayaw ka palayo hanggang sa bigla ka na lamang nawala
Pinalaya ang mga luha upang sumisiksik sa mga unan
Nananaginip na ang mundo, dilat-mata akong naiiwan

Sa liwanag ng mga libu-libong alitaptap diyan sa langit
Nilasing mo ang iyong sarili sa hindi mabilang na mga bakit
Walang balak na sumilong sa malamig na yakap ng aking kumot
Walang balak na magpahele sa malamig na boses ng pagkalimot

Sa paghimbing ng mga alitaptap sa kadiliman ng umaga
Paos na ang mga kuliglig at kahit saan lumingon, wala ka
Pinapaslang ng mga buntong hininga ang mga hikab na walang kalaban-laban

Hindi ako pinapatulog ng pagkagising mo sa katotohanan.

DROGA

Ni Maru Peter Henry

Unti-unti nang tinatagpian ang mga sugat sa sarili
Itinigil na ang mga bisyo kung saan ako nawili
Hindi na lumalagok ng mapapait na katapusan
Hindi na humihithit ng mga poot ng nakaraan

Maliliit na paghakbang para sa nangangatog na puso
Pinupulot ang maisasalba sa mundong biglang gumuho
Pero hindi pa man tapos ay may biglang nagsimula
Tila nahipan lahat ng galos mula sa lahat ng pagkadapa

Nagsimula sa unang dampi ng pagsulyap ko sa mukha mong maganda
Hanggang sa para akong namalikmata
Sinigurado ko kung totoo ka
Tumingin ako nang pangalawa
At dahil maluho ang aking mga mata
Sumipat ako nang pangatlo
Pang-apat, panlima
Hanggang sa mahalata mo na
Hanggang sa panganim, pampito
Ayun, tumingin ka rin sa mata ko
Dito na, mahal ko
Ang simula ng biglang pagkalulong ko sa iyo.

Hindi ko na ngayon mabilang kung ilang beses ka nang tinitigan
At kung ilang beses nang nagpalutang-lutang sa munti nating kalawakan
Kung saan sinusungkit tayo ng buwan, mga tala at kalangitan
Isa kang drogang sinubukan na hindi ko na matigil-tigilan

Nahahanap ko ang sarili pag naliligaw sa iyong kaluluwa
Nabubuo ang mga kulang kapag tinutunaw ng iyong mata
At sa daming ulit na pananakit na ginawa sa akin ng mundo
Sa isang tao na lang ako ngayon hindi takot magtiwala – sa iyo

Bisyo kita
At hinding-hindi ako magbabagong buhay.

MAS DUWAG AKO

Ni Maru Peter Henry

Duwag ka
Dahil hindi mo kayang sabihin sa akin nang harapan
Pero mas duwag ako
Sa pagtikom ng aking bibig dahil takot ako na bigla mong talikuran

Duwag ka
Dahil dinadaan mo pa sa bahagyang pagiwas ng iyong mga kamay kapag inilalapit ko na ang mga palad ko sayo
Pero mas duwag talaga ako
Dahil hindi kita kayang bitawan at naniniwala pa rin akong mapalad ako sayo

Hindi ako nangangatog sa dilim
Pero takot ako na multuhin ng ating pagtatakipsilim
Kahindik-hindik ang ginagawa mong paglilihim

Nakakatakot ka

Pero mas takot ako na ikaw yung magmukhang nagkamali sa ating dalawa.

DAGSIN

Ni Maru Peter Henry

Lasug-lasog na at sugatan ang mga pakpak
Pinilay ng maraming pakikipaglaban at pagbagsak
Hindi kayang gapiin ang kalawakan sa pagitan nating dalawa
Wala ngang kayang liparin ano pa’t ang tayog ng iyong halaga

Pumapailanlang ang damdaming hindi ka kayang maabot
Isang mortal na ulila sa lahat ng tamang mga sagot
Para mapunan ang mga patlang na naglalayo sa ating mabubuting mga kalooban at matatalas na mga sungay
Nakakatakot ang bangkay na puso kapag huminga na ulit ito ng buhay

Sa paghilom ng mga pakpak
Sa dagsin na ng iyong ngiti ako babagsak
Pupunan ang mga patlang
Gagapiin ang kalawakan
Aabutin kita
Hinding-hindi kita bibitawan.

MUNDO

– Maru Peter Henry

Diyan sa mundo mo
Na wala akong kasing sama
Binubuo ng mga bangin ng kasinungalingan
At mga ilog ng masama mong paniniwala

Ako ang ahas na tumukso kay Eba
Ang pasimuno ng kasalanan
Bunga ng puno ng iyong bulok na imahinasyon
At panghuhusga mo na walang pakundangan

Pero mahal kita
At kahit gaano man kasama ang tingin mo sa akin
Mahal na mahal kita

At kahit iwaksi mo ako kung paano mong iwinawaksi si Satanas
Pasensya na, pero ganoon kita iibigin
Iibigin kita hanggang wakas

Dahil sa mundo ko
Wala kang kasing sama

Pero kaya kitang patawarin.

UNANG ARAW NG IKAAPAT NA BUWAN

– Maru Peter Henry

April 1
Unang araw ng ikaapat na buwan
Sabi mo, meron tayong mahalagang pag-uusapan
Kaya agad-agad nakipagkita ako sa’yo sa paborito nating tagpuan
Nasa kaliwa kita at yung maraming kaba ko nasa may bandang kanan

Bumili ako ng paborito nating pagkain
Hindi ko agad kinain yung balat ng manok baka kasi gusto mo pa ring kunin
Pero itinabi mo lang lahat ng binili ko tapos nagsimula ka nang umamin
Ang nalasahan ko na lang bigla ay yung mapait na dulo natin

Sabi mo magbabago na lahat simula sa araw na iyon

“Huwag na tayong maglokohan”

Naaalala ko pa rin yung tunog mo hanggang ngayon

At madalas akong magkamali
At tanggap ko nang nagkamali rin ako sa iyo
Pero hindi ko pala dapat hinintay na sabihin mong,
“Happy April Fools Day”

Gusto ko nang patawarin ang sarili ko.